Ang bagay na itó'y mapaglalabanan
kung ang mangagawa'y mang̃agtútulung̃án,
ng̃uni't hindi gayó't bagkús ang iring̃a'y
siyang naghahari sa mg̃a upahán.
Madalás, na, silá ang nang̃aguudyók
ng̃ upáng ang ibá'y magtamóng pag-ayop;
silá, sa kasama, ang nang̃aglúlubóg
sa nasang maagaw ang sa ibáng sahod.
Ang pusong masakím (ng̃ sahól sa kaya)
ay walang dalahin kungdi ang mamansá
ng̃ madlang pagdusta sa galáw ng̃ ibá
yamang di mangyaring mapantayán niya.
Si Inggit, si Lihim, si Dimapagtapát
ay siyang sambahing laging náuunlák,
samantala namáng sa luha'y násadlák
si Damay, si Tulong, si Ampó't si Ling̃ap.
Walang bigong kilos na hindi kaaway
niyong mangagawa ang kapwa upahán,
na mapagmapurí't dila ang tangulang
ipinangtutulong sa namumuhunan.
Páhiná 28
Sa madaling sabi: di lamang ang lupít
ng̃ lilong salapi ang nakaiinís,
kung hindi sampu pa ng̃ ugaling ganid
ng̃ kaisang uring taksíl sa kapatíd.
Kaya't matatawag na silá ang uway
na laging panggapos sa mg̃a kawayan;
silá ang kapatíd, silá ang kakulay
at siláng silá rin ang nakamamatáy.
Mahalagá't tunay iyong sáwikaíng:
'hiráp ang mahirap sa anomang gawín;
hiráp sa harapán ng̃ umaalipin
at hiráp sa asal ng̃ kasamang taksíl'.
Ang bagay na itó'y siyang nangyayari
sa pinapasuka't gawaan kong dati,
kaya't náisip kong makapagsarilí
ó masok sa ibáng hindi mapang-apí.
Sapagka't sa aking mg̃a kasamahán
ay wala ang budhing marunong dumamay,
silá silá na rin ang nag-iinisan
gayóng ang marapat ay ang magtulung̃án.
Sa gayóng pahayag, si Ata'y sumagót
ng̃ payong maraha't salitang malambót,
na anyá'y:—Anák ko, huwag panibulos
sa bigláng sigabó ng̃ bata mong loob.
Kahit anóng gandá sa bigla mong ting̃í'y
huwag na mabulag ang iyong damdamin,
hindi pawang ginto ang nang̃agniningníng,
maná pa'y marami ang magíng kalaín.
«Maging anóng buti ng̃ hindi kilala'y
mahirap timbang̃án kay sa kilala na»
iyong pag-usiging huwag kang mapara
sa isáng nangyari. Ikaw'y manaing̃a: