Patricio Geronim Mariano

17 March 1877 - 28 January 1935 / Santa Cruz, Manila / Philippines

Si Teta

Sa isáng tahanang lubhang marálita
na áalang̃án pa sa pang̃alang dampa'y
may isáng babaing yayát at matandá
na wari'y may sakít, kaya't nakahiga.
Sa kaniyang siping, na abót ng̃ kamáy,
ay may isáng mangkók na lugaw ang lamán
at sa dakong paa'y mayroong uupán
na wari'y gawa pa ng̃ amáng si Adán.
Ang tang̃ing kasama ng̃ sangkáp na itó
ay isáng tampipi't isáng baul mundo,
isáng panahian, kaputol na kayo
at ilang balumbón ng̃ sutlang naguló.
Ang lahát ng̃ iyo'y siyáng kayamanan
niyóng maralita't babaing may damdám
kung di mápupuná ang isáng larawan
ng̃ himalang gandá na nasa batalán.
Páhiná 8
Isáng binibining ang tindíg at anyo,
ay nakaáakay sa gawang sumuyo
at ang kanyáng titig na lubhang maamo
ay makabibihag sa alín mang puso.
Yaóng mg̃a pisng̃í, na nagnakaw mandín
ng̃ kulay sa rosa't sa magandáng jazmin,
ay natítimbang̃án ng̃ matáng maitím
na wari'y hahalay sa mg̃a bituín.
Ang isáng makapál at mahabang buhók
na nábabalumbón sa malakíng pusód
ay inalong dagat ang nákakaayos
dahilán sa inam ng̃ pagkakakulót.
Itó ang himalang hindi nábibilang
sa mg̃a nákita na hiyas sa bahay,
kahit masasabing sa kahalagahan
ay siya ang lalong palamuting mahál.
Lalo't kung mabatíd na siya ang anák
ng̃ babaing iyong sa sakít ay lagmák,
at siya ang isáng tang̃ing naghahanap
at nagmamasakit sa buhay na salát.
Siya ang paroon, siya ang parito,
gawa niya yaón, gawá niya itó,
sa maghapong araw, ang mahinang butó,
ay di natitigil ng̃ kahit gaano.
At sa dinádaláng sadyáng kaliksiha'y
kasangkáp na tagláy iyóng kabaitan,
kaya't kahit sinong magíng kapanayám,
ay nang̃awiwili na siya'y pakingán.
Sa unang sandaling ating pagkákita
ay damít ang pigil at siya'y naglabá
at nang makatapos, tinignán ang iná
kung sa pagkáhiga ay nakabang̃on na.
Páhiná 9
Ng̃uni't nang inabot ang ináng may sakít
ay di kumikilos sa hihigáng baníg,
kaya't tinulung̃an, sa gawang pagtindíg,
upang ang pagkain ay huwag lumamíg.
Kanyáng iniupo ang ináng may damdám,
at saká kinuha ang laang linugaw;
—Kumain ka iná—ang wikang tinuran—
ng̃ upáng lumakás ang iyong katawán.
—Ay giliw kong bunso—ang sa ináng turing—
kung tayo'y mayaman, di mo sasapitin
ang hirap na itóng wari'y sapínsapín
na nagpapasasang sa ati'y umiríng.
Kundi bagá gayó'y akóng isáng iná
na dapat tumulong ay nakadagdág pa
sa mg̃a gáwaing iyong dinádalá,
sa paghahagiláp niyong kakanin ta?
Ang tao ng̃a palá, sa mundóng ibabaw,
ay dapat mag-impók ng̃ ukol sa buhay,
pagka't kung humina'y walang pagkukunan ...
'ang hindi nagbaló'y walang tatang̃aran'.
At pag sumapit na sa panahóng salát
ay walang suling̃ang dapat maapuhap
at ang nálalabíng kaya niyong palad
ay ang maghinagpís, tumang̃is, umiyak.
Gaya na ng̃a nitóng sa ati'y sumapit,
salát na salát na, akó pa'y may sakít,
at ang kahinaan niyang iyong bisig
na murang mura pa'y siyang kinakatig.
Ikáw, sa maghapo'y walang hintong gawa
at di dumadaíng kahit ka na pata
¿sinong pusong iná ang di maáawa
sa isáng gaya mong labis mag-aruga?
Páhiná 10
—Aanhín mo iná, sa tayo'y mahirap,
—ang maamong sabi ng̃ giliw na anák—
ng̃uni kahit tayo madalás magsalát
ay wala sa atin namáng isusumbát.
Ang tang̃i ko lamang ikinalulumbáy
ay ang di paggalíng ng̃ sakít mo ináng;
kung sa ganáng akin salát ó mayaman
pag nasa piling mo'y ligaya ng̃ tunay.
¿Aanhín ang buhay na lubhang pasasa
kundi mákikita ang iná kong mutya?
¿aanhín ang laging walang ginagawa
kung ikáw iná ko'y dí kinákaling̃a?
Mahang̃a'y ganitóng laging nasasalát
at sa bawa't kilos kitá'y nayayakap;
ang yaman, sa akin, ay hindi ang pilak
kundi ang matamís na iyong pagliyag.
Mawika ang gayón, sa noo'y hinagkán
at saka niyakap ang ináng magulang;
—Itó ang yaman ko—ang muling tinuran—
at itó ang tang̃ing aking kasayahan.
Matapos masunód ang nasang paghalík,
isinakandung̃an ang ináng may sakít.
¡Oh! gayón na lamang ang bukong pag-ibig
at gayón na lamang ang likás na baít.
256 Total read