Patricio Geronim Mariano

17 March 1877 - 28 January 1935 / Santa Cruz, Manila / Philippines

Si Pedro

Isáng manggagawa, ginoo ng̃ sipag,
mabikas ang tindíg, noo'y aliwalas,
di mayamang suot ay nagpapahayag,
na siya'y matalik na kawal ni 'Hirap'.
Ang magandáng ting̃i'y nagpapahalata
ng̃ ugaling mahál, kahit marálita,
at ang kanyáng labi'y hindi nagbabala
ng̃ asal na ganid ng̃ mg̃a kuhila.
Itó ang binatang bigláng nakiluhód,
sa harap ni Atang nápagitlá halos,
na sabáy ang sabing:—Salamat, sa loob
na ipinatanaw sa aking pag-irog.
Ang ating dalaga'y nagulumihanan,
pagka't nákilalang silá'y nápakingán
ninyong kapwa-batang kanyáng minámahál
at iniirog pa nang higít sa buhay.
Mukha'y itinung̃o ng̃ ating dalaga
at ayaw isilay ang magandáng matá;
waring nahihiya nang ang lihim niya
ay hindi na lihim sa tunay na sintá.
Páhiná 22
Ang ináng may sakít, na siyang matanda
na nakatataho ng̃ damdaming bata,
ay siyang sumagót ng̃ tugóng payapa
sa pamamagitan ng̃ ganitóng wika:
—Oo, tunay Pedro; ang iyong pag-ibig
ay malaon na ng̃ang may sadyang kapalít
at kahit nangyaring malabis kong batíd
ay hindi humadláng, bagkus nanahimik.
Sapagka't alám kong ang iyong paggiliw
sa sintá kong Teta'y lubhang taimtím
at walang gabahid na ikadudusing
ng̃ tagláy na puring kanyáng inaangkín.
Batíd ko rin namáng sa isáng gaya mo
ay lubhang malayo ang ugaling lilo,
kaya't pinayagang ikáw ang magtamó
sa pusong malinis ng̃ sintáng anák ko.
Datapwa't ang tang̃ing aking dináramdám
ay ang lagáy naming lipos kasalatán
at wala na mandíng mábangít na yaman
liban na sa dagsa nitóng kahirapan.
—Iná ko, sukat na ¿yaman pa'y aanhín
kung isáng biyaya ang magiging akin?
at saka sa kulay ng̃ aking paggiliw
ay di náhahalo ang sa yamang ningníng.
Akó'y inianák sa pagdadalita
at kámpón ni Hirap sapol pagkabata.
musmós pa man halos bísig ko'y pinata
at nagíng kawal na ng̃ haring Paggawa.
Ang tang̃i ko lamang pinakahahanap
ay ang isáng pusong mayaman sa ling̃ap
at ang pusong itó'y aking natatatap
na si Tetay lamang ang siyáng may ing̃at.
Páhiná 23
Datapwa'y gayón man, kahit aking batíd,
na, sa sarili ko, siya'y iniibig
ay hindi ginawang aking ipagsulit,
sa tunay na irog, ang lamán ng̃ dibdíb.
At talagá sanang aking itatago
nang lubhang malalim sa loob ng̃ puso,
at baka sakaling ang kanyáng pagsuyo
ay naidulot na sa ibáng sumamo.
At kungdi nangyaring akíng nápakingán
ang mg̃a salita ng̃ irog kong Tetay,
salitang nagbukás niyong kalang̃itán
sa palad kong aba, di sana nagsaysáy.
—Irog!... Sinung̃aling!—ang wikang banayad
ng̃ ating dalaga—kung akó ay liyag,
¿bakit mo nagawa ang lálayo't sukat,
gaya nang tinuran sa iyong sinulat?
—Iná naming irog; ikáw ang humilíng
sa anák mong sintáng akó'y patawarin.
—Pinatatawad ka, ng̃uni't sásabihin
kung bakit náisip ang kamí'y lisanin.
Kayó'y mang̃agtindíg—ang wika ni Ata
sa ating binata't sa ating dalaga—
kayo'y magsiupo at saka ibadyá
ni Pedro ang sanhi ng̃ pag-alís niya.
133 Total read