Patricio Geronim Mariano

17 March 1877 - 28 January 1935 / Santa Cruz, Manila / Philippines

Sa haráp at sa likód -

Silá'y iwan nati't muling pagbalikán
ang tahanang dampa ng̃ mag-ináng hirang,
doo'y nag-iisá ang maysakít lamang
pagka't ang binata'y sandaling lumisan.
Samantala namáng siya'y nag-iisá
at nag-aantabáy sa anák na sintá,
libong panalang̃in ang sumaalala
upang magkapalad ang bunsong dalaga.
Aniya'y mangyaring ang hatíd na tahi
ay magíng mainam, doon sa may ari,
upang bayaran na, nang siya'y mádali
at huwag gabihín sa kanyáng pag-uwi.
Kaya't ng̃ mátanáw ang giliw na bunso'y
sumaligaya na ang sumikdóng puso,
ng̃uni't anóng lakí ng̃ dusang bumugso
nang makita niyang luha'y tumutulo.
Halos nápahiyaw at halos nátindíg
sa kinahihigáng sirasirang baníg,
na, sabay ang wikang—¿Anó, Teta? ¿Bakit?
¿anó ang nangyari't ikaw'y tumatang̃is?
Páhiná 57
—Iná ko! Iná ko! Tayo'y walang palad!—
ang sagót ni Teta't sabáy napayakap
sa giliw na iná—
—¿Anó't umiiyak
ka?—
—Akó'y sinuba niyong taong sukáb;
Pagka't di inamin ang haing pagsintá,
niyong walang budhí't taong palamara,
na kung kaya lamang nagpagawa palá
ay upang masunód ang masamang pita.
Ng̃uni't nang tumangí akó't di umamin
ay pinagtangkaáng akó'y gahasain,
salamat na lamang at aking napigil
sa bilís ng̃ isang tampál na maríin.
Dito inihayag niyong binibini
ang lahát ng̃ bagay na mg̃a nangyari,
dapwa'y sa gitna pa niyong pagsasabi
ay siyang pagdatíng ng̃ lilong lalaki.
Na tagláy sa loob ang paghigantihán
iyong binibining sa kanyá'y tumampál
ó kung dili kaya'y sa tulong ng̃ yaman
ay nasang bulagin ang mg̃a magulang.
Pagka't di bihira ang amá ó iná
na pagkakatanáw sa munting halagá
ay silá pang agád ang nag-áabóy na
sa puri ng̃ isáng anák na dalaga.
Dapwa'y hindi pa man halos nakapasok
sa munting pintuan ang buhóng na loob
ay biglang náhinto, nang̃iníg ang tuhod,
at munti na sanang siya'y nápaluhód.
Sapagka't nákitang sa kanyá ang titig
niyong nápatayong babaing maysakít ...
Páhiná 58
yaón ang babai na kanyáng inamís!...
yaón ang babaing sa kanyá'y nanalig!...
Ang pang̃alan niya na may dong kaugnáy
kung bukhín sa labi ng̃ mg̃a upahán,
doon ay náding̃íg sa bibíg ni Atang
na may halong ng̃itng̃it at dustang paghalay.
—Ang lalaking iyan—ang sabi ni Teta—
ang sa akin iná'y ibig gumahasa,
—Taong walang budhi!—aní ng̃ matanda—
¿at nang̃ahás ka pa na dito'y magsadya?...
Di ka na nang̃iming dito'y makaratíng
na akay ng̃ iyong pagnanasang halíng?
¿di ka na pinasok niyong salagimsím
kung sino ang iyóng tinangkang gahisín?
Nang dahil sa iyo: ang bukó'y bumuká't
nang magíng bulaklák ay agád nalantá,
at saka sa ng̃ayó'y pagnanasaan pa
na iyong halayin ang nipót na bung̃a?
Ang lalong masiba't may taksíl na loob
ay hihigtán mo pa kung sa pagkabuktót;
marahil námali, sa iyo, ang Diyos, ...
ginawa kang tao'y bagay magíng hayop!...
Marami pa sanang bubukhín sa bibíg
yaong bumabakás ng̃ matindíng sulít;
ng̃uni't nápahinto sapagka't náding̃íg
ang guló sa daan; sigawa't paglait.
Sangdaang katao, humigít kumulang,
ang nagsisidatíng at naghihiyawan;
at ang bawa't isá'y may hawak na urang
na ipangbubugbóg sa kinagalitan.
¿Nasaan—anilá—iyang walang ling̃ap,
taong mapang-apí sa mg̃a mahirap?
Páhiná 59
Náding̃íg ang gayón ng̃ mayamang oslák;
pinasók ang budhi ng̃ malakíng sindák.
Luming̃asling̃as na at sumulingsuling,
waring humahanap ng̃ dapat tung̃uhin,
litó na ang isip, puso'y nalalagím,
pagka't nákilalang siya'y pápatayín.
Hindi na mangyaring siya'y makatanan
pagka't nalilibíd ng̃ tao ang bahay
at bawa't sandaling ipag-alinlang̃an
ay isáng lundág pa ng̃ kasakunaan.
Kaya't nang matantong wala nang pag-asa't
saan man tumung̃o'y kamatayan niya,
nanikluhód agád sa haráp ni Ata't
huming̃ing saklolo na iligtás siya.
¡Iyon ang mayamang sa tulong ng̃ pilak
ay laging umapí sa mg̃a mahirap!
¡Iyon ang mayaman!... Ng̃ayó'y nasisindák
sa haráp ng̃ mg̃a palaging hinabág!...
Mákita ang gayón ng̃ babaing galít
na lunónglunó na ang dating mabang̃is,
panasukang awa't ang dating inibig
ay pinapagkanlóng sa sulok ng̃ silíd.
Kisápmatá lamang, at, kung di'y nag-abot
ang kinagalita't ang mg̃a may poot;
sandali na lamang at disi'y natapos
ang buhay ng̃ tao na mapangbusabos.
169 Total read