Kaibigan ka man ó di kapanalig,
kasuyo ó hindi, kaaway ó kabig,
di ko hiníhing̃ing huwag mong isulit,
sa akin, ang pula na ibig ikapit.
Di ko mawiwikang ipagpaumanhín
ang mali ó lisya na iyong mápansín,
sabihin mong lahát ang ibig bangitín;
may kalayaan ka, di ko sinisiíl.
Di akó gagaya sa ibáng katulad
na hihing̃ing awa ó ipahahayag
na kutád ang isip at bubót ang hagap;
kapós palá'y ¿bakit nang̃ahás sumulat?
Kaya ng̃a't antáy ko ang iyong pasiya
yamang ikáw'y siyang susuri't lalasa;
ng̃uni't ang hilíng ko'y pintás pantás sana
ang iyong gamitin sa mg̃a mábasa.
Di ikasásama nitóng kalooban,
pintasán man itó, ng̃uni't tama lamang;
ang dáramdamín ko'y ikáw ang wikaang:
mangmáng palá'y ibig magdunóng-dunung̃an.
Kaya ng̃a't bago ka magsabi ng̃ hatol
ay magnilay muna, gamitin ang dunong
(kung matalino ka) at saká ipatong
ang wíwikain mong di na mahahabol.
Dapwa't, kung sakali, namáng, ang mangyari'y
dúdulutan akó ng̃ iyóng papuri,......
¡Maraming salamat! (maraming marami)
ng̃uni't nilayin din na lubhang mabuti.
Pagka't ang tawa man, kapág nábulalás
ay hindi na tawa kung hindi halakhák;
labis na puri'y, karaniwang banság,
kung minsan ay tuya't kung minsan ay libák.