Patricio Geronim Mariano

17 March 1877 - 28 January 1935 / Santa Cruz, Manila / Philippines

Patawad

Yaóng nahirati sa pagpapatanghál
ng̃ kaniyang poot sa mg̃a upahán,
ng̃ayó'y lunóng lunó, at walang masaysáy
yaong mg̃a labing laging nakasigáw,
liban sa pasamo't salitang marahang:
—¡Patawad anák ko! ¡Patawad na Atang!
—Ang aking patawád—tugón ng̃ may sakít—
magpakailan ma'y hindi makakamít,
sa aki'y hindi ka nagtaksíl ng̃ labis
kundi sa dugo mong itinakwil, kahit
walang kasalanan kundi magíng bihis
sa dusa ng̃ aking nádayang pag-ibig.
Mákita ang gayón, ng̃ magkakasama,
na ang hinahanap ay kaharáp nilá'y
dinaluhong agád; disi'y nasawi na,
kung hindi humadláng ang ating dalaga
at nagpumagitna sa amáng may sala
at mg̃a kawaníng may masamang pita.
—Mang̃ag-antáy kayó, huwag pagtulung̃án
ang isá kataong hindi lumalaban:
Páhiná 66
ang inyóng gágawí'y hindi nábabagay
sa tungkól lalaking may kaunting dang̃ál
at lalo pa mandíng tiwali't alang̃án
sa kagaya ninyóng anák kasipagan.
Oo't may katwirang kayó'y maghigantí
sapagka't ginipít ó kaya'y inapí;
ng̃uni't kayo'y pawang may pusong lalaki,
sa bawa't ulila'y marunong kumasi,
hindi humahabág sa tungkól babai
kundi bagkús pa ng̃ang mapagbigay puri.
Sapól pagkabata ay aking dinalá
yaong sapantaha na akó'y ulila,
wala akóng tuwa liban na kay iná
at ng̃ayóng nabatíd na akó'y may amá
¿di yata't bigla ring aagawin siya
sa sabík kong puso sa kanyáng pagsintá?
Kayó'y gaya ko rin na anák-dálita,
at kauri ninyó akóng namagitna;
magíng balato man, sa aki'y maawa:
patawarin ninyó ang amá kong mutya,
¡alang alang kahit doon sa Lumikha!
¡kahit alang alang sa aking pagluha!
Siya'y magtitika't hindi na aasal
ng̃ ugaling lihís na karumaldumal;
ang bahala'y akóng sa kanyá'y aakay
sa tuwid na landás na dapat daanan
ng̃ mg̃a may puso't pagling̃ap na tunay
sa kagaya ninyóng mg̃a mang-aaráw.
Sa salitang iyon ay muling nagbalík
sa datihang anyo ang maamong tubig,
naglubág ang poot, napawi ang bang̃ís
niyong maawaing mg̃a anák pawis ...
Páhiná 67
paano'y kay gandá ng̃ huming̃ing bibíg
at napakaamo ang kaniyang hibík!?
Kaya't yaóng dating nagtumuling baha
na ibig tumabon sa daanang lupa'y
muling nagíng batis, nukál ang payapa;
at saka nang̃ako ang Nang̃ang̃asiwa
na daragdagán pa sa upaháng takda
at pagbabayaran ang mg̃a nagawa.
645 Total read