Masabi ang gayón ng̃ nagsasalaysay,
naghintong sandali,
at saka nagwikang lubhang malumanay:
—Huwag ding mangyaring iyong máparahan
ang buhay ng̃ Mutya na aking tinuran.
—Hindi po marahil;—sagót ng̃ binatá—
pagka't hahanapin
ang ikatatagpo ng̃ mg̃a kapuwa
na hindi marunong mag-asal kuhila
at sa kasamahá'y magpapang̃anyaya.
Aking aakiting alisín ang asal
niláng mapagbukód,
at upang sa gayón ay aming makamtáng
mg̃a mangagawa iyong katubusang
sa dating ugali'y hindi mahihintáy.
At hahanapin din ang mámumuhunán
na sa taong dukha
ay hindi marunong umapí't humalay;
aking hahanapin na mabigyáng dang̃ál
ang puhunang pawis ng̃ puhunang yaman.
Páhiná 33
Dahil sa di dapat na pamalagiin
ang ugaling itó
na walang halagá sa salaping sakím
ang pagod na gugol ng̃ matitiising
pusong manggagawa na inaalipin.
Salapi't Paggawa'y dapat na magtimbáng sa
tamuhíng tubo ...
—¿At ikáw, anák ko,—ang tanóng ni Atang—
ang magpupumilit sa dakilang bagay
ang hindi nagawa ng̃ lalong maalam?....
—Aking pipiliti't kung hindi mákamit—
anang bagongtao—
ay di magsisisi, sa gugol na pawis;
ang panúnuntuná'y ang bugtóng na sulit
na: 'akó'y tumupád sa ng̃alang maghasík'.
Ng̃uní't kung mabatíd ng̃ kahanapbuhay
ang sadyang halagá
ng̃ mg̃a katulong ng̃ isang puhuna'y
di na mangyayari itóng kalagayan
naming mg̃a dukhang wari'y kasangkapan;
Na kukunin lamang kapag gagamitin
at kung masira na'y
itatapontapo't titisúdtisurin,
kaya'y babayaan na iwan at datnín
ng̃ madlang sakuna't akbáy na hilahil.
At ang mg̃a pagod, isip, pawis, puyat
na pawang ginugol
sa ikalalago ng̃ puhunang pilak
ay di magkaroon ng̃ timbáng na bayad
liban sa pag-apí at mg̃a pahirap.
Aking hahanapin ang ikahahang̃o
ng̃ bayang masipag,
Páhiná 34
niyang manggagawang lagi nang siphayo
ng̃ mg̃a may yaman, upáng mapalago
ang ugaling banál ng̃ di mapaglugso.
—Magandáng adhika!—ang putol ni Teta—
—Datapwa't pang̃arap!—
ang saglít ni Atang walang paniwala—
iyá'y mangyayari kung dito'y mawala
ang pag-aagawán, inggita't pagpula.
Matapos ang gayóng mg̃a salitaan
ang ating matanda'y
lumapit sa dating baníg na hihigan,
dalá palibhasa niyong kahinaan,
sa gawang maupo'y hindi makatagál.