Ang usapan palá namá'y nábabatyág
ng̃ lunóng babaing nahang̃o sa hirap;
sila'y linapita't saka siniyasat
kung anó't malungkót iyong pag-uusap.
Hindi ikinaít ng̃ ating binata
ang sanhi ng̃ kanyáng paglayong akala;
inayunan namán ng̃ ating matanda
sapagka't nataya ang tuwíd na nasa.
Sa gayóng nangyari, si Teta'y nagsulit;
—Pumapayag akó na ikáw'y umalís,
datapwa'y yayamang kitá'y iniibig
akó ay sasama, saan man sumapit,
—Iiwan mo akó!?—ang pabiglang turing
ng̃ ináng nágitlá.
—¿Kami'y lilisanin?—
ang tanóng ng̃ amá.
—Kung di ibabaling
ni Pedro ang nasa. Siya ang himukin.
Alám kong ang sanhi ng̃ kaniyang pakay
ay dahil sa akin; kaya't akó namá'y
Páhiná 72
nasang makihati sa anó mang bagay
na kanyáng sapitin: mamatáy, mabuhay.
—Sukat na, sukát na, aking mg̃a anák—
ang sabi ng̃ amá sa magkasinliyag—
magmula sa ng̃ayón si Pedro'y gáganap
sa aking tungkulin.
—Amá ko, salamat.
—Sa gayóng paraa'y hindi kailang̃an
ang siya'y dumayo sa ibá pang bayan;
at kaming dalawá'y ...
—Hahati na lamang
sa ligaya ninyó—ang putol ni Atang.
...................................
...................................
Yakap na magiliw at masuyong halík,
sa salitang iyon, ang siyang nápalit....
¡Kay saráp ng̃ buhay kapag umiibig!...
¡Pag yáon ng̃ sigwá'y kay ganda ng̃ lang̃it!...