Patricio Geronim Mariano

17 March 1877 - 28 January 1935 / Santa Cruz, Manila / Philippines

Isáng alamát ni Ata -

Sa isáng lupaíng lubhang maligaya
na tapát ng̃ lang̃it na laging masayá'y
may Mutyang sumibol na tang̃i sa gandá
at nakawiwili sa tuming̃íng matá.
Kaya't ang sino mang sa kanyá'y lumapit
ay nabibighaning sumuyo't umibig
at walang matigás, ni bakal na dibdib,
na hindi naakay ng̃ tagláy na dikít.
Siya'y mapayapa at walang ligamgám,
puso'y náhihimbíng at laging tiwasáy,
walang ninanasa kungdi ang mabuhay
na lubhang malaya, sa katahimikan.
Maná isáng araw, na di iniisip,
siya'y linapitan ng̃ Dulóng na ganid,
na tagláy ang nasa at tangkang magahís
ang yaman at gandá ng̃ Mutyang marikít.
Datapwa't ang budhing hindi nang̃ang̃alay
mag-iwi sa isáng boong kalayaan
ay hindi umayon, at sa kalakasan
ng̃ Dulóng ay lakás ang ipinatanáw.
Páhiná 30
Ang mahinhíng asal ay bigláng pinawi,
sa ng̃ipin ay ng̃ipin ang itinungalí,
hanggáng sa mangyaring ang palalong budhi
ng̃ manggagahasa'y nagbago ng̃ uri.
Agad ikinanlóng ang ng̃iping matalas
at ng̃iting magiliw ang ipinamalas,
dinaan sa himok ang hindi pumayag
sa gahasang iwa't pakikipaglamas.
Giliw, suyo, luhog at madlang paraya
ang ipinatanáw sa mahinhíng Mutya
at itó namán ay agad namayapa,
nanalig na lubós, nagboong tiwala.
Tinangáp ang haing mg̃a panunuyo
at hindi nápuna ang handang panghibo,
agád nápalulong ang mahinhíng puso
at di inakalang yaó'y isáng silo.
Ipinaubaya sa madayang giliw
ang lamáng malinis ng̃ boong panimdím;
sinunód na lahát ang bawa't máhilíng
niyong may tagláy na kataksilang lihim.
Sa gayó'y nagdaan ang isáng panahón
na lubhang panatag at walang lingatong,
hanggáng sa nákitang ang hayop na Dulóng
ay nagdating asál; nanila na tulóy.
Dito na nangyari ang kasakitsakit,
na ang dating laya ay siyang tumang̃is
at iyong nang̃ako ng̃ boong pag-ibig
ay siyang halimaw na nagpakaganid.
Daya, lupig, dahás ang namaibabaw
na siyang nápalít sa panuyong asal,
walang bigong-kilos na hindi paghalay,
kutya at pahirap na karumaldumal.
Páhiná 31
Hanggáng sa nagbang̃on ang magandáng Mutya
at nagpang̃arap na ng̃ ikalalaya,
iniwan ang laging pagwawalangdiwa
at ang puting kamáy, sa dugo'y pinigta.
Ng̃unit nagkátaóng noó'y nagkagalít
ang masibang Dulóng at yaóng Limatik
at ang ating Mutya'y sa hulí humilig
dahil sa pag-asang hindi manglulupig.
Nakitulong siya, sa Limatik, noon,
dahil sa pang̃ako nitóng pag-aampón,
dapwa'y nang magahís ang palalong Dulóng
ay lalo pang sákit ang kanyáng kinandong.
Sa madlang pag-asa'y pawang pag-hihirap
ang siyang nápalit: nagipít, nasalát,
ang impók na yama'y nasipsíp na lahát
niyong magdarayáng may taksíl na hang̃ád.
Hanggáng dito yaóng buhay na malungkót
ng̃ Mutyang magandáng di naghunos loob;
humanap ng̃ ibá at ang nákadulóg
ay lalo pang ganid, lalo pang balakyót.»
148 Total read