At ng̃ makatapos, iná'y pinagyama't
saka iniupo sa sadyang luklukan
na kahit sira na'y mayroong hiligán
na nakasasaló sa dakong likurán.
At siya'y lumuklók sa dakong ibaba
upáng bigyang hanggá ang náhintong gawa,
ng̃uni't anóng lakí ng̃ tinamóng mangha
nang ang panahia'y kanyáng mausisa.
Sapagka't sa loob ng̃ kanyáng tahiin
ay may nakatagong kaputol na papel
na hindi mabatíd kung saan nangaling,
kaya't itinanóng sa inang kapiling.
—¿Sino ang may dalá ng̃ sulat na itó?
¿naparito bagá kanina si Pedro?—
—Oo—aní Ata—siyang nakita ko
na tang̃ing gumaláw ng̃ panahian mo.
At saka umalís na tila may lumbáy
sapagka't malungkót niyong magpaalam
at ang idinugtóng sa huling tinura'y
ang bábalík siya sa katanghalian.
Páhiná 17
Ang puso ni Tetay ay halos tumahíp
sa sabi ni Ata na kanyáng nading̃íg,
pagka't hindi niya lubós na maisip
ang pinanggaling̃an ng̃ gayóng ligalig.
¿Anó't ginawa pa ang siya'y sulatan?
¿anó ang sa papelay nápapalamán?
yaó'y talinghaga, kaya ng̃a't binuksán,
upang mapagtanto ang lamán ng̃ liham.
Dátapwa ... ¡Oh lang̃it! Di pa natatapos
sa kanyáng pagbasa, ang luha'y umagos,
at sabáy sa isáng matinding himutók,
mukha'y nápatung̃ó't kamáy pinagduóp.
Si Ata'y nágulat sa gayong nákita
at biglang tinanóng ang anák na sintá.
—Ay iná kong giliw! Anáng pagkapaklá
nitóng kapalarang aking dinadalá!
Akó, inang irog, ay lubhang mapalad
sa gitna ng̃ ating madlang paghihirap
at yaring dibdíb ko'y lubós na panatag
at walang ligalig akóng mátatawag.
Datapwa't aywán ko, aywán ko kung bakit
at di ko mapigil ang paghihinagpís
dahil sa paglayong sa sulat sinambít
ng̃ kapuwa bata't kalaro kong ibig.
Yaríng abáng puso'y nalulunod mandín
sa bayóng malakas nitóng paninimdim,
na sakasakali na tayo'y lisanin
ay baka hindi na muling mákapiling.
Aywán ko kung bakit, ng̃uni't yaríng luha
ay di ko mapigil sa kanyáng pagbaha
at kung gunitaín ang bawa't salita
ng̃ sulat na itó, akó'y nanglálata.
Páhiná 18
At diwang ang aking boong kaluluwa
ay nababalutan ng̃ matinding dusa ...
¿anó kaya itó?—Iyan ay pagsintá—
ang pang̃iting sagót ng̃ giliw na iná.
—¡Oh! pagsintá itó?—Ang tanóng ni Tetay
na tutóp ang dibdíb ng̃ dalawang kamáy,
—Oo, aking anák; iyang pagmamahál
na tinátagláy mo ay pagsintáng tunay.
Iyan ang larawan ng̃ isáng paggiliw
na anák ng̃ iyóng pagirog na lihim;
di mo natatanto pagka't nahihimbing,
sa kapayapaan, ang iyong panimdím.
Ng̃uni't ng̃ magdamdám ng̃ munting gambala,
gaya ng̃ paglayong hindi inakala'y
sumilakbóng agád ang pamamayapa,
at nagpakilala sa sabík na nasa.
Iyan ang nangyari sa bata mong puso
na di nakabatíd ng̃ iba pang suyo
liban sa malambíng at tapát na samo
nitóng iyong ináng matanda na't hapo.
Malaon nang lubhang aking naramdamán
ang inyóng matapát na pagsusuyuan,
ng̃uni't di pinigil, bagkús binayaan
ang binhi ng̃ inyóng sintáng tinatagláy.
Sapagka't alám kong totoong malinis
ang pagsusuyuang inyóng ginagamit ...
—Kung gayón, iná ko—ang kay Tetang sulit—
¿ang unang silakbó ng̃ sintá'y pasakit?
Diyata't hindi na mangyaring mabatyág
ang lasáp ng̃ sintá kungdi sa pahirap?
—Hindi namán gayón—ang sa ináng saad—
kung minsa'y ganyán ng̃a't kung minsa'y malunas:
Páhiná 19
Kung minsan, sa piling ng̃ kapayapaa'y
núnukál ang binhi ng̃ pagmamahalan
at sa pagtatama ng̃ dalawáng simpán,
ang muntíng sandali, ay nagiging tuláy.
Upang ang pagsuyong sabik sa pahayag
ay magpakilala sa irog at liyag
at ang puso namáng nagtimping maluwat
ay magpahalata ng̃ kanyáng pagling̃ap.
Sapagka't ang sintá ay hawig sa puno
na ang binhi niya'y ang ng̃alang pagsuyo
at pinakadilig, nang upáng lumago,
ay ang katamisan ng̃ mg̃a pagsamo.
Kahit na maunlád ang kanyáng paglakí
ay di mahalata nang may daláng kasi,
kungdi matatangki't mapagmunimuni
na may ibáng nasa ang pusong sakbibi.
Nasáng náhahawig sa isáng gunita,
nasa na animo'y uhaw ang kamukha,
ng̃uni't kung suriin ay mahahalata
na ibá ang ayos, at iba ng̃ang sadya.
Sapagka't ang dating iyong pagmamahál
sa ibáng kilalá't mg̃a kaibigan
ay hindi rin iyon ang suyong bubukál
sa isáng pagsintá na bagong dinamdám.
Yaón ay taganás na pagmamasakit,
pagpapaumanhí't pakikikapatíd,
ng̃uni't itóng isá'y damdaming matamís
na may panibugho't madlang pagtitiís.
Ang bawa't salita nitóng nang̃ung̃usap,
sa dibdib ni Teta ay nagpapahirap,
pagka't unti unting kanyáng námamalas
na pawa ng̃ang tunay ang sa ináng saad.
Páhiná 20
Kaya't, ang kaniyáng kamáy, pinagduop,
sa haráp ng̃ iná'y biglang nápaluhód,
at sabáy sa luhang sa matá'y nanagos,
náwikang:—¡Iná ko, akó'y umiirog!
Kung yaring hinagpís nitóng kaluluwa
at pagkabagabag ng̃ damdaming dalá
ay tanda ng̃ aking paggiliw sa kanyá....
¡patawad, iná ko!... akó'y sumisintá!...
—Patawad! ¿at bakit?—ang kay Atang turing,
na lubhang masuyo, sa anák na giliw.
—Pagka't nagawa kong sa iyo'y maglihim
ng̃ damdaming dalá ng̃ puso't panimdím.