Binata't dalaga'y kapuwa naiwan
na magkaagapay sa kináuupán;
kapuwa tahimik, kapuwa alang̃án
at kapuwa mandín nagkakahiyaan,
gayóng magkalapit sa isáng luklukan.
Marahil, sa budhi'y kapuwa may tago
na ibig sabihin, ng̃uni't di mátagpo
kung saan simulán ang usapang wasto
na ikatutung̃o at ikabubunggo.
sa ibig ihayag ng̃ kaniláng puso.
Ang isá at isá'y diwa nag-aantáy
sa pagpapáuná niyong kaagapay;
ang isá at isá'y ibig na magsaysay,
datapwa'y pagsapit ng̃ nasang máturan
sa kaniláng labi'y ng̃ing̃iti na lamang.
Hangáng sa nangyaring ang ng̃iting palihím
ng̃ ating binata'y kay Tetang nápansín ...
—Ng̃uming̃iti ka pa—ang wikang mahinhín
na may magkahalong hinampó at giliw
at diwang ang sintá'y ibig pang sisihin.
Páhiná 36
—¿Bawal ba ang ng̃iti?
—Oo, aking bawal
sa masamang tao.
—Kay dali ba namán
ng̃ aking pagsama!! Kakahapon lamang
ay mabuti akó ... at ng̃ayóng málaman
na minámahál mo'y ... saka pa humalay?
—¿Bakit ka naglihim?
—Pagka't di ko batíd
kung may maáantay ang aking pag-ibig,
at hindi ko nasang abutin ang sákit
na pagkamitín mo ng̃ tugóng mapaít
na mayroon ka nang katipán sa dibdíb.
—Kung nagtapát ka ba'y di sana natanto
kung anó ang lamán nitóng aking puso ...
—¿At kung ang tamuhín ay ang pagkataho
na walang pag-asa ang aking pagsuyo ...
¿hindi lalo ko pang ikasisiphayo?
Hindi mo lang alám ang lakí ng̃ sintá't
ang iniaalay sa isáng kalulwá ...
—¿Hindi ko alám? Bah!...
—Ng̃uni't di kagaya
ng̃ dináramdám ko, niyong di ko taya
na títimbang̃án mo ang giliw kong dalá.
Ang dibdíb ko niyó'y wari isáng dagat
na laging maalo't lubhang mabagabag,
nang̃ang̃amba akóng sa iyo'y naagtapát
at ang tinátamó'y libolibong hirap
kung hindi mangyari ang pagpapahayag.
Sa tuwituwi nang akó'y paparito
ay handang handa nang magtapát sa iyo,
datapwa'y pagsapit, at mákausap mo,
Páhiná 37
ay walang wala na ang madlang simpán ko't
walang nalalabí kung di pagkalitó.
Kung nasa haráp mo ay piping mistula
ang nákakabagay ng̃ labi ko't diwa,
ng̃uní't kung wala ka'y sa lahát kong gawa'y
ang iyong larawan ang kasalamuha,
kasanggusangguni at laging gunita.
Kung gabíng malalim at di mákatulog,
magbabang̃on akó't maglílibotlibót ...
ang akala mo ba kitá'y nalilimot?...
sa bawa't suling̃ang lang̃it, daán, sulok,
ang iyong larawan ang nápapanood.
Kung máhimbing namán, sa sandalíng idlíp,
agád agád kitáng mápapanaginip
sa wari'y kausap: kung minsán ay galít
at kung minsán namá'y iyong iniibig ...
at ang boong suyo'y aking kinákamit.
Pag ang una'y siyang sa aki'y sumagi,
kung akó'y magisíng ... ¡kay laking pighati!
ng̃uni't kung ang hulí'y lalong dalamhati
pagka't mákikitang sa isáng sandali....
ang aking ligaya ay biglang napawi.
Kaya't kung nangyaring di ko námalayan
ang tamís ng̃ iyong bukong pagmamahál,
dinalá sana hanggáng sa libing̃an
ang lihim na sintáng aking tinatagláy....
—Kay sama mong tao!
—Inulit na namán!...
—Huwag kang magtangól! Kung iyong dinalá
hang̃ang sa libing̃an ang lihim mong sintá,
¿di pinagtagláy mo ng̃ dálita't dusa
Páhiná 38
itóng sumusuyó't abang kaluluwa
na, kahit di tanto'y, umiirog palá?...
Ikáw ay lalaki't iyong nababatíd
ang maraming anyo ng̃ isáng pag-ibig,
ng̃uni't ang gaya kong pusong matahimik
¿anó ang malay kong ang lamán ng̃ dibdíb
ay isáng paggiliw na abót sa lang̃it?
¿Anó ang malay kong iyong agam-agam
sa maminsanminsáng hindi mo pagdalaw
ay kakulay palá niyong pagmamahál,
at ang pagnanasang mákita ko ikáw
ay isáng pagsintá't pag-irog na tunay?...
Kung takíp-silim na't di ka dumádatíng
ang matá ko'y litó at pasulingsuling;
itinátanóng ko sa sariling akin
kung nasa saan ka, datapwa'y malalim
na buntónghining̃a ang madalás kamtín.
Kung nápupuná kong ikáw ay may sákit
dahil sa mukha mong may larawang hapis,
diwa, ay nasa kong sa iyo'y iibís
ang gayóng pighati, na lason sa dibdíb,
dang̃a't di mahilíng na iyong isulit.
Akó'y kasama mo sa iyong pang̃arap
ó kung nágigisíng akó ang kaharáp,
akó namáng itó, sa lahát ng̃ oras,
ay walang adhika kung di ang matatap
kung may sayá ka ó kaya'y may hirap.
Sa gabíng pagtulog ay nágugulantáng
pagka't, sa wari ko, kitá'y kaagapay;
kung may ginágawa, ay gayón din namán,
sa bawa't lagitlít akala ko'y ikáw
ang siyang lalapit sa aking likurán.
Páhiná 39
Ibig kong mangyaring ang lahát mong lihim
ay aking matanto, tuguná't damdamín;
ng̃uni't kung sumagi sa aking panimdím
na baka sakaling ikáw ay may giliw ...
akó'y nagdurusa't puso'y nalalagím.
Ang lubhang madalás, kung akó'y magdasál
at sa Poong Dios ay nanánawagan,
aking nápupunáng hindi dumadatál
ang dalang̃ing handóg sa ating Maykapál
pagka't ikáw'y siyang dinádalang̃inan.
Ang lahát ng̃ iyon ay hindi ko batíd
na larawan palá ng̃ isáng pag-ibig,
kung di ka sumulat at ipinagsulit
sa akin, ni iná, ang lamán ng̃ dibdíb....
¿di akó'y nátirá sa gawang magtipíd?
¿Di sa pagtang̃is ko sa iyong paglayo
ay di mababatíd na iyó'y pagsuyo?
¿di nangyari sanang ang aba kong puso
ay pinagdusa mo't ipinasiphayo
gayóng walang sala namáng natatanto?
—Patawad Tetay ko! Akin ng̃a ang sala
kaya't inaantáy ang iyong parusa....
—Kay buti-buti mo; ¡parusahan kitá!
¿di pinasakitan ang akin ding sintá,
sákit mo't sákit ko'y hindi ba iisá—
Ang lang̃it ma'y hindi magandáng pang̃arap
at yaó'y sadlakan ng̃ lahát ng̃ lunas
ay hindi titimbáng sa tinamóng galák
ng̃ puso ni Pedro, dahil sa pahayag
ng̃ kaniyang sintáng pinakaliliyag.