Patricio Geronim Mariano

17 March 1877 - 28 January 1935 / Santa Cruz, Manila / Philippines

Ang yaman at ang puri

Isang bagong Creso kung sa kayamanan
at isang Atila sa kaugalian,
isang Carlo-Magno sa nauutusan
at Cingong alipin sa pinápasukan.
Walang karang̃alang di nasa kaniya,
ang lahát ay daíg, sa mg̃a pamansá,
walang liniling̃ap na katwirang ibá
liban sa katwiran ng̃ kanyáng bituka.
Wikang kababayan, ay isang salita
na ang kahulugán, sa kanyá, ay bula;
¿kalahi, ay anó? ¿anó kung madusta
may salapi lamang na sukat mápala?
Sa loob ng̃ bahay na pinápasukang
gawaang tabako'y walang pakundang̃an
sa mg̃a mahirap na nang̃ag-aaráw
na kung pagmurahín ay gayón na lamang.
Ng̃uni't kung sa haráp ng̃ namumuhunan
ay piping mistula at mababang asal,
sumagót pa'y waring binibining banál
na hindi marunong magtaás ng̃ tanáw.
Páhiná 48
Itó ang ginoong sa dukha ay hari
datapwa'y alipin niyóng may salapi,
at siya rin namán ang taong mayari
ng̃ mg̃a gawaing kay Teta'y patahi.
Siya'y, nagpagawa sa ating dalaga
ng̃uni't hindi dahil kailang̃an niya,
kung hindi sapagka't ang tagláy na gandá
niyong binibini'y kanyáng pinipita.
Yao'y isáng silo, laláng at pakana
upang maihayag ang tagláy na nasa,
ang nasang mahalay na palaging gawa
sa mg̃a dalagang kanyáng manggagawa.
Kaya't nang mákitang si Teta'y dumating
na dalá sa kamáy ang mg̃a tahiin
ay agad iniwan ang mg̃a kapiling
na mg̃a upaháng sa kanyá'y nádaíng.
At biglang tinapos ang kaniláng usap
sa wikang gahasa na lubhang matigás:
—Kung hindi sang-ayon—aniya—sa awás
sa upa, ay dapat na kayó'y lumayas.
At ang kakulang̃án ninyóng inuusig
ay di mangyayaring bayaran pa, kahit
magsakdál. Sulong na, at baka mag init
pa ang aking ulo, kayó'y máhagupít.
Masabi ang gayón, ay agád iniwan
ang mg̃a kapulong na kanyáng upahán,
at saka tinung̃o ang kinalalagyán
ng̃ ating dalagang di lubhang nag-antáy.
Datapwa'y hindi man nakuhang minasíd
ang pagkakayari ng̃ pagawang damít,
agád inialók ang kanyáng pag-ibig
na wari ay batang matakaw at sabík.
Páhiná 49
Sa wikang malambót ay inisáisá
ang maraming yamang ihahandóg niya
—Tangapín mo lamang inéng yaríng sintá'y
di na kailang̃an ang maghanap ka pa,
—Mahál na ginoo—anáng binibini—
nagkámali ka po sa hain mong kasi,
akó'y maralita't walang yamang iwi,
ng̃uni't di marunong magbilí ng̃ puri.
Ang pag-ibig ko po'y di siyang dahilán
kung kaya nárito sa iyong harapán,
akó'y náparito ng̃ upang mákamtán,
ang sapát na upa sa gawa kong tagláy.
Ipagpatawad po kung di ko matanggáp
ang inihahain na iyong pagliyag,
may kapantáy ka po, ikáw ay humanap,
at huwag habagín ang gaya kong hamak.
—Oo't mangyayari ang iyong tinuran
na akó'y humanap ng̃ aking kapantáy
kung hindi ng̃a sana, ang nálalarawan,
dini sa puso ko'y larawan mo Tetay.
Iyong pag-isipin: ikáw ay magandá,
sa iyo'y di bagay ang maghirap ka pa;
ng̃uni't kung tanggapín ang aking pagsintá
ay masusunód mo ang lahát ng̃ pita.
Ikáw magíng akin, at bukas na bukas,
may bahay kang bató't sarisaring hiyas,
may sasakyán ka pa't hindi maglalakád,
at salaping labis sa gugol mong lahát.
Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga'y
nagtindíg sa upo, ang mukha'y namulá,
at biglang naparam sa noong magandá
iyong kaamuang laging dinádalá.
Páhiná 50
—Di ko akalain—ang wikang matigás—
na ikáw'y mámali sa iyong pangmalas;
akala mo yata'y sapagka't mahirap
ay nárarapa na sa ningníng ng̃ pilak?
Akó'y marálita, at kung di gamitin
ang munti kong lakás ay hindi kakain,
datapwa'y libo mang hirap ang danasin,
ang handóg mong sintá'y hindi maaamin.
Di ko kailang̃an ang magandáng hiyas,
ni ang titiraháng bahay na mataás ...
ang buntón ng̃ yama'y pisanin mang lahát ...
walang kabuluhán sa aking pagling̃ap.
¿Ang kataasan ba nitóng batóng bahay
ay tataas kaya sa pulang kakamtán?
¿at ang mg̃a ningníng ng̃ hiyas at yama'y
makatakíp kaya sa puring hahapay?
Kung ang karang̃ala'y hindi mo kilalá't
ang pilak, sa iyo, siyang mahalagá;
unawain mo pong sa aking pangtaya'y
sa salapi't hiyas ang puri ay una.
Sapagka't ang tao, kahit na mayaman,
kapag walang puri'y walang kabuluhán,
¿aanhín ang hiyas, ang pilak, ang bahay
kung akó'y yagít na't yúyurakyurakan?
Mahang̃a'y ganitóng dukha't nasasalát,
may kapuwa tao, kahit mg̃a hamak,
at hindi pasasang baluti ng̃ hiyas
at wala ng̃ linis ang dang̃ál na hawak.
—Mataas mag-wika—
—Talagáng mataas
kapag dinudusta ang isang mahirap
Páhiná 51
na may pagmamahál sa puring ining̃at;
nariyan ang tahi, antáy ko ang bayad.
—¿Ang bayad? kung ikáw sa aki'y iibig
hindi lamang tumbás ang ipakakamít,
datapwa kung hindi, ay ipagkakaít
ang sampu ng̃ upa sa mg̃a náhatíd.
Máding̃íg ang gayón ng̃ ating dalaga
ay halos nanglumó, ang puso, sa dusa,
sapagka't sumagi sa kanyáng alala
na hindi kakain ang salantang iná.
Kaya't namalisbís sa matá ang luha,
at sumabudhi na ang magmakaawa,
ng̃uni,t ang kausap na ma'y maling nasa
ay hindi duming̃ig sa anó mang wika.
Subali't nag-ulól sa pakikiusap
na siya'y ling̃apin sa haing pagliyag,
at sinamahan pa ang balang marahás
ng̃ kapang̃ahasang gahasai't sukat.
Dapwa'y nang dulugín, sa kinátayuán,
ang ating dalagang nag-íisá lamang,
itó'y ay lumayo't ang lilong mayaman
ay pinapagkamít ng̃ mariíng tampál.
—Iyan ang marapat sa isáng kuhila
na di gumagalang sa bawa't mahina
upang matuto kang huwag gumahasa
sa hindi pumayag sa buhóng mong nasa.
Nang masabi iyon ay biglang iniwan
ang nahilóhilóng taksíl na mayaman,
saka nang sumapit sa pinto ng̃ daan
ay muling lining̃ón ang pinangaling̃an.
—Walang budhi—anyá—Taong walang damdám!
Ikaw, kung tawagi'y: mayaman! marang̃al!
Páhiná 52
ng̃uni't walang kayang gipití't tambang̃án
kung hindi ang dukhang walang kakayahán.
Iwan natin siya sa kanyáng pag-uwi
na ang nagíng bao'y isáng dalamhati,
at ang unawain ay ang mg̃a sawi
na anák paggawa na namimighati.
121 Total read