Patricio Geronim Mariano

17 March 1877 - 28 January 1935 / Santa Cruz, Manila / Philippines

Ang puso ng̃ dukha

Lubhang mapagbatá, pipi't mapagtipíd
sa lalong mabigát na mg̃a pasakit,
sadyáng masúnuri't hindi mapaglaít,
walang hinahalay, hindi mapag-usig:
sa lalong mababa'y nakikipaniig
at tungkól dálita ay kanyáng kapatíd.
Iyan ang mahirap: pusong mahabagin,
may mayamang dibdíb sa mg̃a damdamin;
hindi humahamon, ng̃uni't pag-iniríng....
sa kanyáng hayakís ay walang patalím,
walang kalakasang sukat makasupil
ni lalong matibay na di hahamakin.
Ilá'y nagsipanhík sa dukhang tahanan,
sa nasang máhuli ang lilong mayaman;
tangka nilá mandíng doon na mápatay
yaong walang pusong hindi na nagtagláy
ng̃ munti mang ling̃ap sa mg̃a daing̃an
at pakikisamo ng̃ mg̃a upahán.
Datapwa'y napigil ang sulák ng ng̃itng̃it
at ang kapoota'y nagwaring lumamíg
Páhiná 61
nang mápaharáp na't kaniláng mámasid
ang mukhang maamo ng̃ ating may sakít,
na sa gitna niyóng malakíng pang̃anib
ay nag-anyóng kuta na hindi mayaníg.
—¿Anó ang layunín at dito ay hanap—
ang tanóng ni Ata sa mg̃a kaharáp.
—Aming inuusig iyang taong sukáb
nang upang patayín ...
—Mg̃a walang palad!
¿Anó't tutungkulín ang gawang umutás
niyang mg̃a kamáy na ukol sa sipag?
¿Kay lakí ba kaya ng̃ pagkakasala
at buhay kaagád ang inyóng pinita?
Kayó'y mang̃agmuni at huwag padalá
pa pusók ng̃ loob
—Magmuni'y sukat na,
at higít sa labis ang aming binatá
diyan sa kuhila't walang kaluluwa.
Nang dahil sa amin, siya'y tumatangáp
ng̃ malakíng tubo at úpang mataás,
kamí ang sa kanyá'y nagbigáy ng̃ pilak
datapwa't ang gantíng sa amin ay gawad
ay ang kulang̃an pa ang datihang usap
at sa kahulihan ay ayaw magbayad.
Ang pinagpagaláng isáng lingóng araw
ay ipinatigás na ayaw bayaran
dahil sa náhing̃ing huwag nang bawasan
ang dating palakad na pag-uupahán,
at kung mangyayari'y kaniyang dagdagán
yamang námamalas itóng kahirapan.
Samantalang gayón iyong pag-uusap
sa ibaba namán ay lubhang masulák;
Páhiná 62
walang hintóng lait ang nanánambulat:
hing̃ing ipanaog yaong máninibad
upáng papagkamtín ng̃ parusang tapát
sa kanyáng inasal sa mg̃a mahirap.
—Ipanaog dito nang agadagaran!—
ang sigáw ng̃ taong nang̃asa lansang̃an;
may nang̃aghahanda na ibaóng buhay,
may nagpanukalang ibitin na lamang
at may humihing̃ing bugbugín ang hungháng
bago kaladkarín hanggáng sa mamatáy.
Sa gayóng paghing̃i na lubhang marahás
ay muling nag-init ang nasa itaas,
kaya at sa tulong ng̃ salitang tahás,
nilimot na sampung pitagang ining̃at
at dadaluhong nang dudumugi't sukat
iyong nagtatagong hindi makalabás.
Datapwa'y humadláng sa kaniláng nasa
ang dating may sakít at lunóng matanda:
—Mang̃agmuni kayó—ang maamong wika—
huwag na palulong sa biglang akala
pagka't kung masunód ang inyóng adhika
ay kayo ring tunay ang kaawaawa.
¿Hindi bagá kayó'y may mg̃a magulang,
anák at asawang pinakahihirang,
na liban sa inyó'y walang aasahang
sukat na katigin at ikabubuhay,
sa balát ng̃ lupà? ¿Anó't ititimbáng
ang gayóng karami sa isáng halimaw?
Kung inyóng masunód ang pakay at nasa
at kayó'y usigin dahil sa ginawa
¿ilán ang sa inyó'y mang̃agsisiluha?
¿ilán ang dudumog sa pagdadálitá?
Páhiná 63
¿iláng anák ninyó ang mápapang̃angyaya
at mang̃ung̃ulila ng̃ lubhang mahaba?
Kayó'y pinipigil, hindi pagka't ibig
na aking itangól ang taong bulisik;
mahigít sa inyó ang aking tinipíd
nang dahil sa kanyá; kayá'y di nagtiis
ng̃ sumpa't tung̃ayaw, ng̃ pula at lait
at pag-alipustang di dapat mákamít.
Ang aba kong puso ay kanyáng dinaya,
ang aking pag-asa'y nilantá nang kusa,
ang madla kong luhog ay inalipusta,
ang linis ko't puri ay pinakadusta
at sa kabulagán ng̃ budhing kuhila'y,
sa anák ding tunay, siyang gagahasa.
¿Higít pa ba riyan ang inyóng tinangáp
na mg̃a pasakit? Ang upang katumbás
ng̃ sanglinggóng araw ¿magin kayang sukat
sa pagkakalung̃i ng̃ puring ining̃at
at pagkáhiwalay sa madlang kaanak
at pamamalagi sa dálita't hirap?...
Akó ang babaing kanyáng pinugayan
ng̃ puring malinis na minahálmahál,
at ng̃ayó'y' akó rin ang nagsasangaláng ...
bakít akó gayón? sapagka't alang̃án
sa sapát kong gantí, ang íisang buhay;
ang nasa ko'y iyóng walang katapusán.
Isáng guniguníng hindi lumilipas
kahit na magbalot sa buntón ng̃ pilak,
isáng pagkakutya sa sariling hagap,
magíng akbáy niya sa lahát ng̃ oras,
isáng wari'y hukóm na magpapahirap
saan man tumung̃o at siya'y lumagak.
Páhiná 64
Ang nasa kong kamtán ay isáng higantí
na higít na lubha sa lalong malakí,
gantíng tataglayín niyong dilidili
at sa isá niya ay mang̃aníng̃aní,
at hindi na ibá ang siyang mangdiri
kung di siya na rin sa kanyáng sarili.
Ibig kong mabuhay iyang alibugha,
datapwa't sa kanyá'y ipauunawa
na itóng dalaga na kanyáng ninasa
ay anák din niya at anák kong mutya,
ng̃uni't kailan ma'y hindi mápapala
na tawaging amá ang isang kuhila.
Sa sinabing itó'y nágitlá ang lahát
at ang kalooban ay pawang naglubág,
at lalo pa mandíng silá'y nang̃agulat
nang sa kinanglung̃án ay biglang lumabás
iyong inuusig at pinaghahanap,
na luhaluhaa't paluhód ang lakad.
192 Total read