Leigh Yah

January 27, 1999 - New York
Send Message

Bakit Hindi Masaya?

Naalala ko pa dati
Halos mapaos ako kakasigaw
Determinadong makuha ang titulo.

Buhos lahat ng atensyon
Walang tulog
Hindi lang kilay sunog
Pati utak sabog.

Normal pa ba ang may pag-aalinlangan?
Patungo pa lang, nanghihina na
Ngayong nandito na, bakit hindi masaya?
Sabihin mo nga, kakayanin ko pa ba?

Buong mundo umaasa
Anong magagawa ng tulad ko?
Bago pa nga, lakas ay higop na
Ano pa ang matitira?

Sabihin mo nga, ipagpapatuloy ko pa ba?
Kung simula pa lang, naliligaw na
Baka nga bahagi na ito ng pagtanda
Batid kong hindi na ako makakawala.

Ang tanga ko kasi
Bakit ko pa tinahak gayong 'di ko naman hangad
Pilit sinunod ang mga puna
Hinaharap ay 'di inuna.

Ngayo'y itanong mo
Nakakatulog pa ba ng mahimbing?
Puso ba'y masaya tuwing gising?
Kasi naman, lahat iyon ay 'di ko na dama.

Hindi na ako makalaya
Nakakapagod na
Hindi na masaya
Hindi na nakakatuwa.
436 Total read