Isang tao ang mag-isang lumuluhang walang tigil
sa silong ng sakdal dilim na piitan ng Paggiliw;
Sa labi ay tumatakas ang mga ay! ng damdamin
at sa anyo'y tila mayr'ong nilalagok na hilahil.
Para niyang nakikitang siya'y ayaw nang lapitan
ng dalagang lumalayo sa tawag ng kanyang buhay.
Palibhasa, siya yata'y hinding-hindi nababagay
na umibig sa dalagang mayr'ong matang mapupungay.
Nagdaan ang mga araw. Ang bilanggo'y nagtitiis
sa pagtawag sa pangalan ng diwatang naglulupit
samantalang ang diwata'y patuloy sa di-pag-imik.
Ngunit sino kaya yaong naglulupit na diwata?
Walang salang iya'y ikaw, dalaga kong walang-awa
at ako ang bilanggo mong hanggang ngayo'y lumuluha.