Ang puso ng tao ay isang batingaw,
sa palo ng hirap, umaalingawngaw
hihip lang ng hapis pinakadaramdam,
ngumt pag lagi nang nasanay, kung minsan,
nakapagsasaya kahit isang bangkay.
Ang puso ng tao'y parang isang relos,
atrasadong oras itong tinutumbok,
oratoryo'y hirap, minutero'y lungkot,
at luha ang tiktak na sasagot-sagot,
ngunit kung ang puso'y sanay sa himutok
kahit libinga'y may oras ng lugod.
Ang puso ay ost'ya ng tao sa dibdib
sa labi ng sala'y may alak ng tamis,
kapag sanay ka nang lagi sa hinagpis
nalalagok mo rin kahit anung pait,
at parang martilyo iyang bawat pintig
sa tapat ng ating dibdib na may sakit.
Kung ano ang puso? Ba, sanlibrang laman
na dahil sa ugat ay gagalaw-galaw,
dahil sa pag-ibig ay parang batingaw,
dahil sa panata ay parang orasan,
at mukhang ost'ya rin ng kalulwang banal
sa loob ng dibdib ay doon nalagay.