José Corazón de Jesús

Huseng Batute] (22 November 1896 – 26 May 1932 / Santa Maria, Bulacan / Philippines

Manggagawa

Bawat palo ng martilyo sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa nitong buong Santinakpan.

Nang tipakin mo ang bato ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak ang salapi a lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, kaya ngayon'y nagyayabang.

Kung may ilaw na kumisap ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata ay kamau mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo ang krus na nakalagay.

Kaya ikaw ay marapat dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari nitong buong Kabihasnan.....
Bawat patak ng pawis mo'y yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi sa luklukan ng tagumpay.

Mabuhay ka nng buhay na walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot nitong mundo pag namatay.
3174 Total read