Mapuputing kamay, malasutla't lambot,
kung hinahawi mo itong aking buhok,
ang lahat ng aking dalita sa loob
ay nalilimot ko nang lubos na lubos.
At parang bulaklak na nangakabuka
ang iyong daliring talulot ng ganda,
kung nasasalat ko, O butihing sinta,
parang ang bulakiak kahalikan ko na.
Kamay na mabait, may bulak sa lambot,
may puyo sa gitna paglikom sa loob;
magagandang kamay na parang may gamot,
isang daang sugat nabura sa haplos.
Parang mga ibong maputi't mabait
na nakakatulog sa tapat ng dibdib;
ito'y bumubuka sa isa kong halik
at sa aking pisngi ay napakatamis.
Ang sabi sa k'wento, ang kamay ng birhen
ay napababait ang kahit salarin;
ako ay masama, nang ikaw'y giliwin,
ay nagpakabait nang iyong haplusin.