Isang gabi'y manungaw ka. Sa bunton ng panganorin
ay tanawin ang ulila't naglalamay na bituin;
Sa bitui'y itanong mo ang ngalan ng aking giliw
at kung siya'y magtatapat, ngalan mo ang sasabihin.
Ang bitui'y kapatid mo. Kung siya ma'y nasa langit,
ikaw'y ditong nasa lupa't bituin ka ng pag-ibig;
dahil diya'y itanong mo sa bituin mong kapatid
kundi ikaw ang dalagang minamahal ko nang labis.
Itanong mo sa bitui't bituin ang nakakita
nang ako ay umagahin sa piling ng mga dusa;
minagdamag ang palad ko sa pagtawag ng Amada,
ngunit ikaw na tinawag, lumayo na't nagtago pa.