José Corazón de Jesús

Huseng Batute] (22 November 1896 – 26 May 1932 / Santa Maria, Bulacan / Philippines

Biyolin

Ito'y isang pugad niyang mayang paking
na huhuni-huni't hahali-halinghing,
at ang apat namang mahihinang bagting
ay apat na ugat ng puso't panimdim.
Waring nananangis sa gabing madilim,
tila nahihibang, parang nababaliw.

Ang panghilis nito ay isang sandatang
ang sinusugata'y yaring kaluluwa.
Kung minsa'y humibik, tumangis, tumawa,
ang b'yolin man pala ay nababaliw na.
Parang naglalambing sa isang dalaga't
parang humingi ng konting pagsinta.

Ang b'yolin ay kaba ng dupok nang dibdib
huwag di masalang ay iingit-ingit;
tila nasasaktan at hihibik-hibik
"kaawaan mo na't bigyan ng pag-ibig."
Para bang sa tuwing siya'y mahihilis
ay nangangako nang magpapakabait.

Itong unang bagting siyang tumatawa,
babaeng sa galak ay nalalasing na;
lagaslas ng tubig itong pangalawa,
alis-is ng dahon at huni ng maya;
bagting na pangatlo, tinig-sumisinta't
nakikipag-usap sa isang dalaga.

Ngunit ang pang-apat, ang malaking bordon,
boses na basag na ng isang yayaon,
ubo ng maysakit, luhang putol-putol,
lagnat ng hingalong pusong ibabaon.
Iyan ang tinig kong namaos na ngayo't
ang nawalang sinta'y hindi pa matunton.
978 Total read