Namatay ang araw
sa dakong kanluran,
nang kinabukasa'y
pamuling sumilang,
ngunit ikaw, irog, bakit nang pumanaw
ay bukod-tangi kang di ko na namasdan?
Naluoy sa hardin
ang liryo at hasmin,
Mayo nang dumating
pamuling nagsupling,
ngunit ikaw, sinta, bakit kaya giliw
dalawang Mayo nang nagtago sa akin?
Lumipad ang ibon
sa pugad sa kahoy,
dumating ang hapon
at muling naroon,
ngunit ikaw, buhay, ano't hangga ngayo'y
di pa nagbabalik at di ko matunton?